Jeremias 23:4-15 Ang Biblia (TLAB)

4. At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.

5. Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.

6. Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.

7. Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

8. Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.

9. Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.

10. Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.

11. Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.

12. Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

13. At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.

14. Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.

15. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

Jeremias 23