21. Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.
22. Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23. Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at hindi Dios sa malayo?
24. May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? sabi ng Panginoon, Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25. Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.
26. Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?