Jeremias 23:12-27 Ang Biblia (TLAB)

12. Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

13. At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.

14. Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.

15. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

16. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17. Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.

18. Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?

19. Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.

20. Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.

21. Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.

22. Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

23. Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at hindi Dios sa malayo?

24. May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? sabi ng Panginoon, Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.

25. Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.

26. Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?

27. Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.

Jeremias 23