Jeremias 22:17-27 Ang Biblia (TLAB)

17. Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.

18. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!

19. Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.

20. Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.

21. Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.

22. Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.

23. Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!

24. Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;

25. At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.

26. At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.

27. Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.

Jeremias 22