22. Sapagka't bagaman maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon, gayon ma'y natatala sa harap ko ang iyong kasamaan, sabi ng Panginoong Dios.
23. Paanong masasabi mo, Hindi ako nagpakahawa, hindi ako yumaong sumunod sa mga Baal? tingnan mo ang iyong daan sa libis, talastasin mo kung ano ang iyong ginawa: ikaw na maliksing dromedario na dumadamba sa paglakad;
24. Isang asnong babaeng mailap na sanay sa ilang na sumisingasing sa kaniyang nais; sa kaniyang pagkakataon, sinong makapagliligaw sa kaniya? silang lahat na nagsisihanap sa kaniya ay hindi mapapagod: sa kaniyang kabuwanan ay masusumpungan siya.
25. Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang suot, at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw. Nguni't iyong sinabi, Walang kabuluhan; hindi, sapagka't ako'y umibig sa mga taga ibang lupa, at sa kanila'y susunod ako.
26. Kung paanong ang magnanakaw ay napapahiya pagka siya'y nahuhuli, gayon napapahiya ang sangbahayan ni Israel; sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga prinsipe, at ang kanilang mga saserdote, at ang kanilang mga propeta,
27. Na nangagsasabi sa kahoy, Ikaw ay aking ama; at sa bato, Iyong ipinanganak ako: sapagka't kanilang ipinihit ang kanilang likod sa akin, at hindi ang kanilang mukha: nguni't sa panahon ng kanilang kabagabagan ay sasabihin nila, Ikaw ay bumangon, at iligtas mo kami.
28. Nguni't saan nandoon ang iyong mga dios na iyong ginawa para sa iyo? magsibangon sila, kung sila'y makapagliligtas sa iyo sa panahon ng iyong kabagabagan: sapagka't ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios, Oh Juda.
29. Bakit kayo nangakikipagpunyagi sa akin? kayong lahat ay nagsisalangsang laban sa akin, sabi ng Panginoon.
30. Sa walang kabuluhan sinaktan ko ang inyong mga anak; sila'y hindi nagsitanggap ng saway; nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta, na parang manglilipol na leon.
31. Oh lahi, tingnan ninyo ang salita ng Panginoon. Naging ilang baga ako sa Israel? o lupain ng salimuot na kadiliman? bakit nga sinasabi ng aking bayan, Kami ay nangakalaya; hindi na kami paroroon pa sa iyo?
32. Malilimutan baga ng dalaga ang kaniyang mga hiyas, o ng kasintahang babae ang kaniyang kagayakan? gayon ma'y nilimot ako ng bayan ko sa mga araw na walang bilang.
33. Anong pagpapaganda mo ng iyong lakad upang humanap ng pagibig! kaya't gayon din ang mga patutot ay iyong tinuruan ng iyong mga lakad.
34. Gayon din sa mga laylayan mo ay nakasumpong ng dugo ng mga kaluluwa ng dukhang walang sala: hindi mo nasumpungan sa dako ng pagbubukas; kundi dahil sa lahat ng mga ito.
35. Gayon ma'y sinabi mo: Ako'y walang sala; tunay na ang kaniyang galit ay humiwalay sa akin. Narito, hahatulan kita, sapagka't iyong sinabi, Hindi ako nagkasala.