Jeremias 17:9-21 Ang Biblia (TLAB)

9. Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?

10. Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

11. Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya.

12. Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.

13. Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, na bukal ng buhay na tubig.

14. Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.

15. Narito, kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.

16. Sa ganang akin, ay hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.

17. Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.

18. Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng ibayong pagkapahamak.

19. Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;

20. At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:

21. Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;

Jeremias 17