7. Nang magkagayo'y yumaon ako sa Eufrates, at hinukay ko, at kinuha ko ang pamigkis mula sa dakong aking pinagkublihan; at, narito, ang pamigkis ay bulok, hindi mapapakinabangan sa anoman.
8. Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi.
9. Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayon sa paraang ito ay aking sasayangin ang kapalaluan ng Juda, at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10. Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig ng mga salita ko, na lumalakad ayon sa katigasan ng kanilang puso, at yumaong sumunod sa ibang mga Dios upang paglingkuran, at upang sambahin, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi mapapakinabangan sa anoman.
11. Sapagka't kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa mga balakang ng lalake, gayon pinakapit ko sa akin ang buong sangbahayan ni Israel at ang buong sangbahayan ni Juda, sabi ng Panginoon; upang sila'y maging pinakabayan sa akin, at pinakapangalan, at pinakapuri, at pinakaluwalhati: nguni't hindi nila dininig.
12. Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?
13. Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.
14. At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.
15. Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.
16. Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman.
17. Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.