12. Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?
13. Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.
14. At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.
15. Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.
16. Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman.
17. Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.
18. Iyong sabihin sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian.
19. Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.
20. Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan?
21. Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam?
22. At kung iyong sabihin sa puso, Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan.
23. Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.
24. Kaya't aking pangangalatin sila, gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang.