Isaias 8:5-17 Ang Biblia (TLAB)

5. At nagsalita pa ang Panginoon uli sa akin, na nagsasabi,

6. Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na nagsisiagos na marahan, at siya'y nagagalak kay Rezin at sa anak ni Remalias;

7. Ngayon nga, narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria at ang buo niyang kaluwalhatian: at siya'y aahon sa lahat niyang bangbang, at aapaw sa buo niyang baybayin:

8. At magpapatuloy sa dako ng loob ng Juda; aapaw at lalampas; aabot hanggang sa leeg; at ang laganap ng kaniyang mga pakpak ay siyang magpupuno ng kaluwangan ng iyong lupain, Oh Emmanuel.

9. Kayo'y magsamasama, Oh mga bayan, at kayo'y mangagkakawatakwatak; at kayo'y mangakinig, kayong lahat na taga malayong lupain: mangagbigkis kayo, at kayo'y mangagkakawatakwatak; kayo'y mangagbigkis, at kayo'y mangagkakawatakwatak.

10. Mangagsanggunian kayo, at yao'y mauuwi sa wala; mangagsalita kayo ng salita at hindi matatayo: sapagka't ang Dios ay sumasaamin.

11. Sapagka't ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12. Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.

13. Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong aariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.

14. At siya'y magiging pinakasantuario; nguni't pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

15. At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.

16. Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.

17. At aking hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking hahanapin siya.

Isaias 8