1. Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.
2. Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.
3. Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
4. Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
5. Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
6. Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
7. Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
8. Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
9. Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.
10. Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.