Isaias 57:15-21 Ang Biblia (TLAB)

15. Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.

16. Sapagka't hindi ako makikipagtalo magpakailan man, o mapopoot man akong lagi; sapagka't ang diwa ay manglulupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa.

17. Dahil sa kasamaan ng kaniyang kasakiman ay napoot ako, at sinaktan ko siya; aking ikinubli ang aking mukha at ako'y napoot; at siya'y yumaong nanghimagsik ng lakad ng kaniyang puso.

18. Aking nakita ang kaniyang mga lakad, at pagagalingin ko siya; akin ding papatnubayan siya, at bibigyan ko ng mga kaaliwan siya, at ang kaniyang nangananangis.

19. Aking nililikha ang bunga ng mga labi: Kapayapaan, kapayapaan, sa kaniya na malayo at sa kaniya na malapit, sabi ng Panginoon; at aking pagagalingin siya.

20. Nguni't ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka't hindi maaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi.

21. Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.

Isaias 57