Isaias 51:11-21 Ang Biblia (TLAB)

11. At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.

12. Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;

13. At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?

14. Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.

15. Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

16. At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.

17. Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.

18. Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.

19. Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?

20. Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.

21. Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni't hindi ng alak:

Isaias 51