5. At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)
6. Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.
7. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.
8. Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa kalugodlugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: at aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana;
9. Na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo'y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila'y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10. Sila'y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka't siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga'y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.
11. At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12. Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo; at, narito, ang mga ito ay mula sa hilagaan, at mula sa kalunuran; at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.
13. Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo'y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.
14. Nguni't sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.
15. Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan.
16. Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.