1. Gayon ma'y dinggin mo ngayon, Oh Jacob na aking lingkod, at Israel, na aking pinili:
2. Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, at nagbigay anyo sa iyo mula sa bahay-bata, na siyang tutulong sa iyo; Ikaw ay huwag matakot, Oh Jacob na aking lingkod; at ikaw Jeshurun, na aking pinili.
3. Sapagka't ipagbubuhos ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyong lahi, at ang aking pagpapala sa iyong suwi:
4. At sila'y sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga sauce sa tabi ng mga batis.
5. Sasabihin ng isa, Ako'y sa Panginoon; at magpapangalan ang iba ng pangalang Jacob; at magsusulat ang iba ng kaniyang kamay ng sa Panginoon, at magpapamagat ng pangalan ng Israel.
6. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, Ako ang una, at ako ang huli; at liban sa akin ay walang Dios.
7. At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag, at magaayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.
8. Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.
9. Silang nangagbibigay anyo sa larawang inanyuan ay walang kabuluhan silang lahat; at ang kanilang mga bagay na kinaluluguran ay hindi mapapakinabangan: at ang kanilang sariling mga saksi ay hindi nangakakakita, o nangakakaalam man: upang sila'y mangapahiya.
10. Sino ang naganyo sa isang dios, o bumubo ng larawang inanyuan na di pakikinabangan sa anoman?
11. Narito, lahat niyang kasama ay mangapapahiya; at ang mga manggagawa ay sa mga tao: mapisan sila, magsitayo sila; sila'y mangatatakot, sila'y mangahihiyang magkakasama.
12. Ang panday bakal ay gumagawa ng palakol, at gumagawa sa mga baga, at inaanyuan yaon sa pamamagitan ng mga pamukpok, at ginagawa yaon ng kaniyang malakas na bisig: oo, siya'y gutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya'y hindi umiinom ng tubig, at pata.
13. Naguunat ang anluwagi ng isang pising panukat; kaniyang tinatandaan ng lapis; kaniyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam, at kaniyang tinatandaan ng mga kompas, at inaanyuan ng ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang tumahan sa bahay.
14. Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga cedro, at kumukuha ng puno ng roble at ng encina, at pinatitibay sa ganang kaniyang sarili ang isa sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat: siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at yao'y kinakandili ng ulan.
15. Kung magkagayo'y ilalaan sa tao upang ipanggatong; at kumukuha siya niyaon, at nagpapainit; oo, kaniyang pinaliliyaban yaon, at ipinagluluto ng tinapay: oo, kaniyang ginagawang isang dios, at sinasamba; ginagawa niyang larawang inanyuan, at pinagpapatirapaan.