9. Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.
10. Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,
11. Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.
12. Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.
13. Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.
14. Ako'y tumahimik ng malaon; ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo'y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako'y manggigiba at mananakmal na paminsan.
15. Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.
16. At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.
17. Sila'y mangapapaurong, sila'y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo'y aming mga dios.
18. Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y mangakakita.
19. Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?
20. Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, nguni't hindi mo binubulay; ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni't hindi niya dininig.
21. Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.
22. Nguni't ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila'y nangakubli sa mga bilangguan: sila'y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.
23. Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?
24. Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.
25. Kaya't ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, gayon ma'y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma'y hindi siya naglagak ng kalooban.