Isaias 42:1-13 Ang Biblia (TLAB)

1. Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

2. Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.

3. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.

4. Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.

5. Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:

6. Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa;

7. Upang magdilat ng mga bulag na mata, upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.

8. Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

9. Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.

10. Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,

11. Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.

12. Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.

13. Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.

Isaias 42