Isaias 41:15-29 Ang Biblia (TLAB)

15. Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

16. Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.

17. Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

18. Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.

19. Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:

20. Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.

21. Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.

22. Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.

23. Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.

24. Narito, kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.

25. May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.

26. Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya'y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.

27. Ako'y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.

28. At pagka ako'y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.

29. Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.

Isaias 41