Isaias 41:10-24 Ang Biblia (TLAB)

10. Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

11. Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.

12. Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga'y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.

13. Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.

14. Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.

15. Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

16. Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.

17. Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

18. Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.

19. Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:

20. Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.

21. Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.

22. Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.

23. Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.

24. Narito, kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.

Isaias 41