10. Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
11. Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?
12. Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?
13. Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?
14. At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.
15. At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,
16. Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17. Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
18. Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.
19. At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.
20. Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.
21. Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22. Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23. Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.
24. Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.
25. Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.