Isaias 36:15-22 Ang Biblia (TLAB)

15. O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

16. Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa't isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:

17. Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18. Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

19. Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sephar-vaim? iniligtas baga nila ang Samaria sa aking kamay?

20. Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

21. Nguni't sila'y nagsitahimik, at hindi nagsisagot sa kaniya ng kahit isang salita: sapagka't iniutos nga ng hari na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

22. Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.

Isaias 36