Isaias 36:13-20 Ang Biblia (TLAB)

13. Nang magkagayo'y tumayo si Rabsaces, at humiyaw ng malakas na tinig sa wikang Judio, at nagsabi: Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

14. Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong padaya kay Ezechias; sapagka't hindi niya maililigtas kayo:

15. O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

16. Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa't isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:

17. Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18. Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

19. Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sephar-vaim? iniligtas baga nila ang Samaria sa aking kamay?

20. Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

Isaias 36