1. Sa aba mo na sumasamsam, at ikaw ay hindi nasamsaman; at gumagawa na may kataksilan, at sila'y hindi gumawang may kataksilan sa iyo! Pagka ikaw ay naglikat ng pagsamsam, ikaw ay sasamsaman; at pagka ikaw ay nakatapos ng paggawang may kataksilan, sila'y gagawang may kataksilan sa iyo.
2. Oh Panginoon, magmahabagin ka sa amin; aming hinintay ka: ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan naman sa panahon ng kabagabagan.
3. Sa ingay ng kagulo ay nagsisitakas ang mga bayan; sa pagbangon mo ay nagsisipangalat ang mga bansa.
4. At ang iyong samsam ay pipisanin na gaya ng pagpisan ng uod: kung paanong ang mga balang ay nagsisilukso ay gayon luluksuhan ng mga tao.
5. Ang Panginoon ay nahayag; sapagka't siya'y tumatahan sa mataas: kaniyang pinuno ang Sion ng kahatulan at katuwiran.
6. At magkakaroon ng kapanatagan sa iyong mga panahon, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman: ang pagkatakot sa Panginoon ay kaniyang kayamanan.
7. Narito, ang kanilang mga matapang ay nagsisihiyaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay nagsisiiyak na mainam.
8. Ang mga lansangan ay sira, ang palalakad na tao ay naglilikat: kaniyang sinira ang tipan, kaniyang hinamak ang mga bayan, hindi niya pinakukundanganan ang kapuwa tao.
9. Ang lupain ay nananangis at nahahapis: ang Libano ay nahihiya at natutuyo: ang Saron ay gaya ng isang ilang; at ang Basan at ang Carmel ay napapaspas ang kanilang mga dahon.
10. Ngayo'y babangon ako, sabi ng Panginoon; ngayo'y magpapakataas ako; ngayo'y magpapakadakila ako.
11. Kayo'y mangaglilihi ng ipa, kayo'y manganganak ng dayami: ang inyong hinga ay apoy na pupugnaw sa inyo.
12. At ang mga bayan ay magiging gaya ng pagluluto ng apog: gaya ng mga putol na mga tinik, na mga nasusunog sa apoy.