9. Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:
10. Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:
11. Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.
12. Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:
13. Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.
14. At yao'y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.
15. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.
16. Kundi inyong sinabi, Hindi, sapagka't kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo'y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya't silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.
17. Isang libo ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo'y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at gaya ng isang watawat sa isang burol.
18. At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.
19. Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.
20. At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:
21. At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.
22. At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.
23. At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.