Isaias 29:7-15 Ang Biblia (TLAB)

7. At ang karamihan ng lahat na bansa na nagsisilaban sa Ariel, lahat na nagsisilaban sa kaniya at sa kaniyang kuta, at ang nagpapahirap sa kaniya, ay magiging gaya ng panaginip na isang pangitain sa gabi.

8. At mangyayari, na gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip, at, narito, siya'y kumakain; nguni't siya'y nagigising, at ang kaniyang kaluluwa ay walang anoman: o gaya ng kung ang isang uhaw ay nananaginip, at, narito, siya'y umiinom; nguni't siya'y nagigising, at, narito, siya'y malata, at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw: gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat na bansa, na nagsisilaban sa bundok ng Sion.

9. Kayo'y mangatigilan at manganggilalas; kayo'y mangalugod at mangabulag: sila'y lango, nguni't hindi sa alak; sila'y gumigiray, nguni't hindi sa matapang na alak.

10. Sapagka't inihulog ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog, at ipinikit ang inyong mga mata, na mga propeta; at ang iyong mga pangulo, na mga tagakita, ay kaniyang tinakpan.

11. At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan;

12. At ang aklat ay nabigay sa kaniya na hindi marunong, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Ako'y hindi marunong bumasa.

13. At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:

14. Dahil dito narito, pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha: at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.

15. Sa aba nila, na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid sa Panginoon ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, Sinong nakakakita sa atin? at sinong nakakakilala sa atin?

Isaias 29