Isaias 24:8-19 Ang Biblia (TLAB)

8. Ang saya ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat.

9. Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon.

10. Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.

11. May daing sa mga lansangan dahil sa alak; lahat ng kagalakan ay naparam, ang kasayahan sa lupa ay nawala.

12. Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak.

13. Sapagka't ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.

14. Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, sila'y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat.

15. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat.

16. Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid. Nguni't aking sinabi, Namamatay ako, namamayat ako, sa aba ko! ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawang may kataksilan, oo, ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawa na may lubhang kataksilan.

17. Takot, at ang hukay, at ang silo ay nangasa iyo, Oh nananahan sa lupa.

18. At mangyayari, na siyang tumatakas sa kakilakilabot na kaingay ay mahuhulog sa hukay; at siyang sumasampa mula sa gitna ng hukay ay mahuhuli sa silo: sapagka't ang mga dungawan sa itaas ay nangabuksan, at ang mga patibayan ng lupa ay umuuga.

19. Ang lupa ay nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa.

Isaias 24