Isaias 24:2-10 Ang Biblia (TLAB)

2. At mangyayari, na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan.

3. Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito.

4. Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina.

5. Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan.

6. Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.

7. Ang bagong alak ay pinabayaan, ang puno ng ubas ay nalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.

8. Ang saya ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat.

9. Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon.

10. Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.

Isaias 24