Genesis 2:9-18 Ang Biblia (TLAB)

9. At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.

10. At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo'y nabahagi at nagapat na sanga.

11. Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo'y may ginto;

12. At ang ginto sa lupang yao'y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.

13. At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush.

14. At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15. At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.

16. At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:

17. Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.

18. At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.

Genesis 2