Filemon 1:4-17 Ang Biblia (TLAB)

4. Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin,

5. Sa pagkabalita ko ng iyong pagibig, at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal;

6. Upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya, ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawa't mabuting bagay na nasa iyo, sa kay Cristo.

7. Sapagka't ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pagibig, sapagka't ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.

8. Kaya, bagama't kay Cristo ay mayroon akong buong pagkakatiwala upang ipagtagubilin ko sa iyo ang nauukol,

9. Gayon ma'y alangalang sa pagibig ay bagkus akong namamanhik, kung sa bagay akong si Pablo ay matanda na, at ngayon nama'y bilanggo ni Cristo Jesus:

10. Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo,

11. Na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwa't ngayon ay may pakikinabangin ka at ako man:

12. Na siya'y aking pinabalik sa iyo sa kaniyang sariling katawan, sa makatuwid baga'y, ang aking sariling puso:

13. Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio:

14. Datapuwa't kung wala kang pasiya ay wala akong magagawang anoman; upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sa pagkakailangan, kundi sa sariling kalooban.

15. Sapagka't marahil sa ganito siya'y nahiwalay sa iyo sa sangdaling panahon, upang siya'y mapasa iyo magpakailan man;

16. Na hindi na alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalong lalo na sa akin, nguni't gaano pa kaya sa iyo, na siya'y minamahal mo maging sa laman at gayon din sa Panginoon.

17. Kung ako nga ay inaari mong kasama, ay tanggapin mo siyang tila ako rin.

Filemon 1