12. Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka't ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon.
13. Sapagka't hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila'y buhay pa: sapagka't ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay.
14. Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni't walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka't ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon.
15. Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.
16. Nguni't silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa't isa'y dahil sa kaniyang kasamaan.
17. Lahat ng kamay ay manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig.
18. Sila'y mangagbibigkis din naman ng kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, at pagkakalbo sa lahat nilang ulo.
19. Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka't naging katitisuran ng kanilang kasamaan.
20. Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni't kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya't ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay.
21. At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang lalapastanganin.
22. Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan.
23. Gumawa ka ng tanikala; sapagka't ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas.
24. Kaya't aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.