Ezekiel 47:5-19 Ang Biblia (TLAB)

5. Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.

6. At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.

7. Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.

8. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.

9. At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.

10. At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.

11. Nguni't ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.

12. At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka't ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.

13. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.

14. At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.

15. At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;

16. Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.

17. At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.

18. At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.

19. At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.

Ezekiel 47