1. At ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka't ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.
2. Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo'y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.
3. Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.
4. Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.
5. Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.
6. At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.
7. Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.
8. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.
9. At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.