Ezekiel 46:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni't sa sabbath ay bubuksan, at sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.

2. At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo'y lalabas siya; nguni't ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.

3. At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.

4. At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;

5. At ang handog na harina ay isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.

6. At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:

7. At siya'y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.

8. At pagka ang prinsipe ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.

9. Nguni't pagka ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.

10. At ang prinsipe, pagka sila'y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila'y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.

11. At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.

12. At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.

Ezekiel 46