Ezekiel 45:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Bukod dito'y pagka inyong hahatiin sa pamamagitan ng sapalaran ang lupain na pinakamana, mangaghahandog kayo ng alay sa Panginoon, isang banal na bahagi ng lupain; ang haba ay magkakaroon ng habang dalawang pu't limang libong tambo, at ang luwang ay magiging sangpung libo: ito'y magiging banal sa lahat ng hangganan niyaon sa palibot.

2. Dito'y magkakaroon ukol sa dakong banal ng limang daan ang haba at limang daang luwang, parisukat sa palibot; limang pung siko sa pagitan niyaon sa palibot.

3. At sa sukat na ito iyong susukatin, na ang haba ay dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo: at doo'y malalagay ang santuario, na pinakabanal.

4. Siyang banal na bahagi ng lupain; ito'y para sa mga saserdote, na mga tagapangasiwa ng santuario, na nagsisilapit upang magsipangasiwa sa Panginoon; at ito'y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay, at banal na dakong kalalagyan ng santuario.

5. At dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang ay magiging sa mga Levita, na mga tagapangasiwa ng bahay, na pinaka pag-aari sa kanilang sarili, na dalawang pung silid.

6. At inyong itatakda ang pag-aari ng bayan na limang libo ang luwang, at dalawang pu't limang libo ang haba, sa tabi ng alay na banal na bahagi: magiging ukol sa buong sangbahayan ni Israel.

7. Magkakaroon naman para sa prinsipe ng bahagi sa isang dako at sa kabilang dako sa banal na alay at sa pag-aari ng bayan, sa harap ng banal na alay at sa harap ng pag-aari ng bayan, sa dakong kalunuran na gawing kalunuran, at sa dakong silanganan na gawing silanganan; at ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kalunuran hanggang sa hangganang silanganan.

8. Sa lupaing ito'y magiging kaniya na pinakaari sa Israel: at hindi na pipighatiin pa ng aking mga prinsipe ang aking bayan; kundi ibibigay nila ang lupain sa sangbahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi.

9. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Magkasiya ito sa inyo, Oh mga prinsipe ng Israel: iwan ninyo ang pangdadahas at pagsamsam, at magsagawa kayo ng kahatulan at ng kaganapan; alisin ninyo ang inyong atang sa aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.

10. Kayo'y magkakaroon ng mga ganap na timbangan; at ganap na efa, at ganap na bath.

11. Ang efa at ang bath ay magiging iisang takalan, upang ang bath ay maglaman ng ikasangpung bahagi ng isang homer, at ang efa ay ikasangpung bahagi ng isang homer: ang takal niyaon ay magiging ayon sa homer.

12. At ang siklo ay magiging dalawang pung gera: dalawangpung siklo, lima at dalawang pung siklo, labing limang siklo ay siyang magiging maneh ninyo.

Ezekiel 45