16. Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.
17. At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.
18. Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.
19. At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.
20. Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.
21. Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.
22. Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.
23. At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.
24. At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.
25. At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.