11. Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.
12. Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.
13. At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.
14. Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.
15. Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:
16. Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.
17. At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.
18. Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.
19. At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.
20. Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.
21. Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.
22. Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.
23. At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.
24. At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.
25. At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.
26. At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.
27. At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.
28. At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.
29. Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.