4. At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka't sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.
5. At, narito; isang kuta sa dakong labas ng bahay sa palibot, at sa kamay ng lalake ay isang panukat na tambo na may anim na siko ang haba, na tigisang siko at isang dangkal ang luwang ng bawa't isa: sa gayo'y kaniyang sinukat ang luwang ng bahay, na isang tambo; at ang taas, isang tambo.
6. Nang magkagayo'y naparoon siya sa pintuang-daan, na nakaharap sa dakong silanganan, at sumampa sa mga baytang niyaon: at kaniyang sinukat ang pasukan sa pintuang-daan, isang tambo ang luwang; at ang kabilang pasukan, isang tambo ang luwang.
7. At bawa't silid ng bahay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan sa pintuang-daan sa tabi ng portiko sa pintuang-daan sa dako ng bahay ay isang tambo.
8. Kaniya rin namang sinukat ang portiko sa pintuang-daan sa dakong bahay, isang tambo.
9. Nang magkagayo'y sinukat niya ang portiko sa pintuang-daan, walong siko; at ang mga haligi niyaon, dalawang siko; at ang portiko sa pintuang-daan ay nasa dako ng bahay.
10. At ang mga silid ng bantay ng pintuang-daan sa dakong silanganan ay tatlo sa dakong ito, at tatlo sa dakong yaon; ang tatlo ay iisang sukat: at ang mga haligi ng pintuan ay iisang sukat sa dakong ito, at sa dakong yaon.
11. At kaniyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sangpung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labing tatlong siko;
12. At ang pagitan sa harap ng mga silid ng bantay, isang siko sa dakong ito, at ang isang pagitan, isang siko sa dakong yaon; at ang mga silid ng bantay, anim na siko sa dakong ito, at anim na siko sa dakong yaon;
13. At kaniyang sinukat ang pintuang-daan mula sa bubungan ng isang silid ng bantayan hanggang sa bubungan ng kabila, may luwang na dalawang pu't limang siko; pintuan sa tapat ng pintuan.
14. Gumawa naman siya ng mga haligi ng pintuan, na anim na pung siko; at ang looban ay hanggang sa haligi, ang pintuang-daan ay sa palibot.
15. At mula sa harap ng pintuang-daan sa pasukan hanggang sa harap ng pinakaloob na portiko sa pintuang-daan ay limang pung siko.
16. At may makikipot na dungawan sa mga silid ng bantay, at sa mga haligi ng mga yaon sa loob ng pintuang-daan sa palibot, at gayon din sa mga hubog; at ang mga dungawan ay nangasa palibot sa dakong loob; at sa bawa't haligi ay may mga puno ng palma.
17. Nang magkagayo'y dinala niya ako sa loob ng looban sa labas; at, narito, may mga silid at may isang lapag na ginawa sa palibot ng looban: tatlong pung silid ang nasa lapag.
18. At ang lapag ay nasa tabi ng mga pintuang-daan, ayon sa haba ng mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalong mababang lapag.
19. Nang magkagayo'y kaniyang sinukat ang luwang mula sa harap ng lalong mababang pintuang-daan hanggang sa harap ng pinakaloob na looban sa may labas, na isang daang siko, sa dakong silanganan at gayon din sa dakong hilagaan.
20. At ang pintuang-daan ng looban sa labas na nakaharap sa dakong hilagaan, kaniyang sinukat ang haba niyaon at ang luwang niyaon.
21. At ang mga silid ng bantay niyaon ay tatlo sa dakong ito at tatlo sa dakong yaon; at ang mga haligi niyaon at ang mga hubog niyaon ay ayon sa sukat ng unang pintuang-daan: ang haba niyaon ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.