Ezekiel 40:26-37 Ang Biblia (TLAB)

26. At may pitong baytang na sampahan, at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap ng mga yaon; at may mga puno ng palma; sa dakong ito, at isa sa dakong yaon, sa mga haligi niyaon.

27. At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa dakong timugan: at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan sa dakong timugan na isang daang siko.

28. Nang magkagayo'y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito;

29. At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.

30. At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu't limang siko ang haba, at limang siko ang luwang.

31. At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

32. At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito.

33. At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.

34. At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

35. At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito;

36. Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.

37. At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

Ezekiel 40