17. At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Salitain mo sa sarisaring ibon, at sa lahat na hayop sa parang, Magpupulong kayo, at kayo'y magsiparito; magpipisan kayo sa lahat ng dako sa aking hain na aking inihahain sa inyo, sa malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, upang kayo'y mangakakain ng laman at mangakainom ng dugo.
18. Kayo'y magsisikain ng laman ng makapangyarihan, at magsisiinom ng dugo ng mga prinsipe sa lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, at ng mga kambing, ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.
19. At kayo'y magsisikain ng taba hanggang sa kayo'y mangabusog, at magsisiinom ng dugo hanggang sa kayo'y mangalango, sa aking hain na aking inihain sa inyo.
20. At kayo'y mangabubusog sa aking dulang ng mga kabayo at mga karo, ng mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na lalaking mangdidigma, sabi ng Panginoong Dios.
21. At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila.
22. Sa gayo'y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin.
23. At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24. Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
25. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ngayo'y aking ibabalik ang Jacob na mula sa pagkabihag, at maaawa ako sa buong sangbahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26. At sila'y mangagtataglay ng kanilang kahihiyan, at ng kanilang lahat na pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa akin, pagka sila'y magsisitahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27. Pagka sila'y aking nadala uli na mula sa mga bayan, at nangapisan na mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at ako'y inaaring banal sa kanila sa paningin ng maraming bansa.
28. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios, sa pagpapapasok ko sa kanila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at sa pagpipisan ko sa kanila sa kanilang sariling lupain; at hindi ako magiiwan sa kanila ng sino pa man doon;
29. Ni hindi ko na naman ikukubli pa ang aking mukha sa kanila; sapagka't binuhusan ko ng aking Espiritu ang sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.