10. Sa gayo'y nanghula ako ng gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nangabuhay, at nagsitayo ng kanilang mga paa, isang totoong malaking pulutong.
11. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sangbahayan ni Israel: narito, kanilang sinasabi, Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pagasa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.
12. Kaya't manghula ka, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko; at aking dadalhin kayo sa lupain ng Israel.
13. At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binuksan ang inyong libingan, at aking pinasampa kayo na mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko.
14. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.
15. Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:
16. At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod, at sulatan mo sa ibabaw, Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kaniyang mga kasama: saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: Sa Jose, na siyang tungkod ng Ephraim, at sa buong sangbahayan ni Israel na kaniyang mga kasama:
17. At iyong papagugnayugnayin sa ganang iyo na maging isang tungkod, upang maging isa sa iyong kamay.
18. At pagka ang mga anak ng iyong bayan ay mangagsasalita sa iyo, na mangagsasabi, Hindi mo baga ipakikilala sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?
19. Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang tungkod ng Jose, na nasa kamay ng Ephraim, at ang mga lipi ng Israel na kaniyang mga kasama: at akin silang isasama roon, sa tungkod ng Juda, at gagawin ko silang isang tungkod, at sila'y magiging isa sa aking kamay.
20. At ang tungkod na iyong sinusulatan ay hahawakan mo sa harap ng kanilang mga mata.
21. At sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa, na kanilang pinaroonan, at pipisanin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain: