Ezekiel 36:17-29 Ang Biblia (TLAB)

17. Anak ng tao, nang tumatahan ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang inihawa ng kanilang lakad at ng kanilang mga gawa: ang kanilang lakad sa harap ko ay naging parang karumihan ng babae sa kaniyang kapanahunan.

18. Kaya't aking ibinugso ang aking kapusukan sa kanila dahil sa dugo na kanilang ibinubo sa lupain, at dahil sa kanilang nilapastangan ng kanilang mga diosdiosan;

19. At aking pinangalat sila sa mga bansa, at sila'y nagsipanabog sa mga lupain: ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga gawa ay hinatulan ko sila.

20. At nang sila'y dumating sa mga bansa, na kanilang pinaroonan, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan; sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, Ang mga ito ay bayan ng Panginoon, at nagsilabas sa kaniyang lupain.

21. Nguni't iginalang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sangbahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinaroonan.

22. Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Hindi ko ginawa ito dahil sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, kundi dahil sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinaroonan.

23. At aking babanalin ang aking dakilang pangalan, na nalapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila; at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Dios, pagka ako'y aariing banal sa inyo sa harap ng kanilang mga mata.

24. Sapagka't aking kukunin kayo sa mga bansa, at pipisanin ko kayo na mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25. At ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo.

26. Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

28. At kayo'y magsisitahan sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang; at kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

29. At lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan: at aking patutubuin ang trigo, at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng kagutom sa inyo.

Ezekiel 36