Ezekiel 36:10-26 Ang Biblia (TLAB)

10. At ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, buong sangbahayan ni Israel, sa makatuwid baga'y siyang lahat; at ang mga bayan ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay mangatatayo;

11. At ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop; at sila'y magsisidami at mangagkakaanak: at aking patatahanin kayo ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng magaling kay sa una: at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12. Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, sa makatuwid baga'y ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi mo na sila wawalaan ng mga anak.

13. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't kanilang sinasabi sa iyo, Ikaw na lupain ay manglalamon nga ng mga tao, at naging mapagpahirap sa iyong bansa;

14. Kaya't hindi ka na manglalamon pa ng mga tao o papatay pa man sa iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios;

15. O iparirinig ko pa man sa iyo ang kahihiyan ng mga bansa, o magtataglay ka pa man ng kakutyaan ng mga bayan, o ititisod mo pa man ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios.

16. Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,

17. Anak ng tao, nang tumatahan ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang inihawa ng kanilang lakad at ng kanilang mga gawa: ang kanilang lakad sa harap ko ay naging parang karumihan ng babae sa kaniyang kapanahunan.

18. Kaya't aking ibinugso ang aking kapusukan sa kanila dahil sa dugo na kanilang ibinubo sa lupain, at dahil sa kanilang nilapastangan ng kanilang mga diosdiosan;

19. At aking pinangalat sila sa mga bansa, at sila'y nagsipanabog sa mga lupain: ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga gawa ay hinatulan ko sila.

20. At nang sila'y dumating sa mga bansa, na kanilang pinaroonan, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan; sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, Ang mga ito ay bayan ng Panginoon, at nagsilabas sa kaniyang lupain.

21. Nguni't iginalang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sangbahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinaroonan.

22. Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Hindi ko ginawa ito dahil sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, kundi dahil sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinaroonan.

23. At aking babanalin ang aking dakilang pangalan, na nalapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila; at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Dios, pagka ako'y aariing banal sa inyo sa harap ng kanilang mga mata.

24. Sapagka't aking kukunin kayo sa mga bansa, at pipisanin ko kayo na mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25. At ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo.

26. Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

Ezekiel 36