17. At tungkol sa inyo, Oh aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y humahatol sa gitna ng hayop at hayop, sa gitna ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalake.
18. Inaakala baga ninyong munting bagay sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, nguni't inyong marapat yapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? at uminom sa malinaw na tubig, nguni't inyong marapat lampisawin ng inyong mga paa ang nalabi?
19. At tungkol sa aking mga tupa, kanilang kinakain ang inyong niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang iniinom ang nilampisaw ng inyong mga paa.
20. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa kanila: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa.
21. Sapagka't inyong itinulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinuwag ng inyong mga sungay ang lahat na may sakit, hanggang sa inyong napangalat sila;
22. Kaya't aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging samsam; at ako'y hahatol sa tupa at tupa.
23. At ako'y maglalagay ng isang pastor sa kanila, at kaniyang papastulin sila sa makatuwid baga'y ang aking lingkod na si David; kaniyang papastulin sila, at siya'y magiging kanilang pastor,
24. At akong Panginoon ay magiging kanilang Dios, at ang aking lingkod na si David ay prinsipe sa kanila; akong Panginoon ang nagsalita.
25. At ako'y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking papawiin ang mga masamang hayop sa lupain; at sila'y magsisitahang tiwasay sa ilang, at mangatutulog sa mga gubat.
26. At aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng aking burol; at aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.
27. At ang punong kahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa'y magsisibol ng halaman niya, at sila'y matitiwasay sa kanilang lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binali ang tali ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga pinaglilingkuran nila.
28. At sila'y hindi na magiging pinakahuli sa mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila'y magsisitahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.
29. At aking pagkakalooban sila ng mga pananim na ikababantog, at sila'y hindi na mangalilipol pa ng kagutom sa lupain, o magtataglay pa man ng kahihiyan sa mga bansa.
30. At kanilang malalaman na akong Panginoon nilang Dios ay sumasa kanila, at sila na sangbahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.
31. At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.