Ezekiel 34:12-18 Ang Biblia (TLAB)

12. Kung paanong hinanap ng pastor ang kaniyang kawan sa kaarawan na siya'y nasa gitna ng kaniyang mga tupa na nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa maulap at madilim na araw.

13. At aking ilalabas sila sa mga bayan, at pipisanin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain; at pasasabsabin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga daan ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain.

14. Aking pakakanin sila sa mabuting pastulan; at sa mga mataas na bundok ng kataasan ng Israel ay malalagay ang kanilang kulungan: doon mangahihiga sila sa mabuting kulungan; at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel.

15. Ako ay magiging kanilang pastor ng aking mga tupa at aking pahihigain sila, sabi ng Panginoong Dios.

16. Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit: nguni't aking lilipulin ang mataba at malakas; aking pakakanin sila sa katuwiran.

17. At tungkol sa inyo, Oh aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y humahatol sa gitna ng hayop at hayop, sa gitna ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalake.

18. Inaakala baga ninyong munting bagay sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, nguni't inyong marapat yapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? at uminom sa malinaw na tubig, nguni't inyong marapat lampisawin ng inyong mga paa ang nalabi?

Ezekiel 34