Ezekiel 32:12-23 Ang Biblia (TLAB)

12. Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking ipabubuwal ang iyong karamihan; kakilakilabot sa mga bansa silang lahat: at kanilang wawalaing halaga ang kapalaluan ng Egipto, at ang buong karamihan niyao'y malilipol.

13. Akin din namang lilipuling lahat ang mga hayop niyaon mula sa siping ng maraming tubig; at hindi na lalabukawin pa man ng paa ng tao, o ang kuko man ng mga hayop ay magsisilabukaw sa mga yaon.

14. Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig, at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Dios.

15. Pagka aking gagawin ang lupain ng Egipto na sira at giba, na lupaing iniwan ng lahat na nangandoon, pagka aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.

16. Ito nga ang panaghoy na kanilang itataghoy; na itataghoy ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Egipto, at sa lahat na kaniyang karamihan ay itataghoy nila, sabi ng Panginoong Dios.

17. Nangyari rin nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing limang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi,

18. Anak ng tao, taghuyan mo ang karamihan ng Egipto, at ibaba mo sila, sa makatuwid baga'y siya, at ang mga anak na babae ng mga bantog na bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

19. Sinong iyong dinadaig sa kagandahan? bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di tuli.

20. Sila'y mangabubuwal sa gitna nila na nangapatay ng tabak: siya'y nabigay sa tabak: ilabas mo siya at ang lahat niyang karamihan.

21. Ang malakas sa gitna ng makapangyarihan ay magsasalita sa kaniya na mula sa gitna ng Sheol na kasama ng nagsitulong sa kaniya: sila'y nagsibaba, sila'y nangakatigil, sa makatuwid baga'y ang mga hindi tuli, na nangapatay ng tabak.

22. Ang Assur ay nandoon at ang buo niyang pulutong; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya: silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak;

23. Na ang mga libingan ay nangalalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kaniyang pulutong ay nasa palibot ng kaniyang libingan; silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nakapangingilabot sa lupain ng buhay.

Ezekiel 32