1. At nangyari, nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing dalawang buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:
2. Anak ng tao, panaghuyan mo si Faraong hari sa Egipto, at sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay kawangis ng isang batang leon sa mga bansa; gayon man ikaw ay parang malaking hayop sa mga dagat; at ikaw ay sumagupa sa iyong mga ilog, at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig, at dinumhan mo ang kanilang mga ilog.
3. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo na kasama ng isang pulutong ng maraming tao; at iaahon ka nila sa aking lambat.
4. At iiwan kita sa lupain, ihahagis kita sa luwal na parang, at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.
5. At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok, at pupunuin ko ang mga libis ng iyong kataasan.
6. Akin namang didiligin ng iyong dugo ang lupain na iyong nilalanguyan, hanggang sa mga bundok; at ang mga daan ng tubig ay mapupuno.
7. At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.
8. Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios.
9. Akin namang papaghihirapin ang puso ng maraming bayan, pagka aking dadalhin ang iyong kagibaan sa gitna ng mga bansa, sa mga lupain na hindi mo nakilala.