Ezekiel 32:1-17 Ang Biblia (TLAB)

1. At nangyari, nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing dalawang buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

2. Anak ng tao, panaghuyan mo si Faraong hari sa Egipto, at sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay kawangis ng isang batang leon sa mga bansa; gayon man ikaw ay parang malaking hayop sa mga dagat; at ikaw ay sumagupa sa iyong mga ilog, at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig, at dinumhan mo ang kanilang mga ilog.

3. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo na kasama ng isang pulutong ng maraming tao; at iaahon ka nila sa aking lambat.

4. At iiwan kita sa lupain, ihahagis kita sa luwal na parang, at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.

5. At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok, at pupunuin ko ang mga libis ng iyong kataasan.

6. Akin namang didiligin ng iyong dugo ang lupain na iyong nilalanguyan, hanggang sa mga bundok; at ang mga daan ng tubig ay mapupuno.

7. At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.

8. Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios.

9. Akin namang papaghihirapin ang puso ng maraming bayan, pagka aking dadalhin ang iyong kagibaan sa gitna ng mga bansa, sa mga lupain na hindi mo nakilala.

10. Oo, aking papanggigilalasin ang maraming bayan sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, pagka aking ikinumpas ang aking tabak sa harap nila; at sila'y manginginig tuwituwina, bawa't tao dahil sa kaniyang sariling buhay sa kaarawan ng iyong pagkabuwal.

11. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang tabak ng hari sa Babilonia ay darating sa iyo.

12. Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking ipabubuwal ang iyong karamihan; kakilakilabot sa mga bansa silang lahat: at kanilang wawalaing halaga ang kapalaluan ng Egipto, at ang buong karamihan niyao'y malilipol.

13. Akin din namang lilipuling lahat ang mga hayop niyaon mula sa siping ng maraming tubig; at hindi na lalabukawin pa man ng paa ng tao, o ang kuko man ng mga hayop ay magsisilabukaw sa mga yaon.

14. Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig, at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Dios.

15. Pagka aking gagawin ang lupain ng Egipto na sira at giba, na lupaing iniwan ng lahat na nangandoon, pagka aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.

16. Ito nga ang panaghoy na kanilang itataghoy; na itataghoy ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Egipto, at sa lahat na kaniyang karamihan ay itataghoy nila, sabi ng Panginoong Dios.

17. Nangyari rin nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing limang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi,

Ezekiel 32