Ezekiel 29:12-21 Ang Biblia (TLAB)

12. At aking gagawing sira ang lupain ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.

13. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;

14. At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila'y magiging doo'y isang mababang kaharian.

15. Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.

16. At hindi na magiging pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

17. At nangyari, nang ikadalawang pu't pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

18. Anak ng tao, pinapaglilingkod ng mabigat ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma'y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.

19. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.

20. Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka't sila'y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.

21. Sa araw na yao'y aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 29