Ezekiel 28:13-23 Ang Biblia (TLAB)

13. Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda.

14. Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga.

15. Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.

16. Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay kanilang pinuno ang gitna mo ng pangdadahas, at ikaw ay nagkasala: kaya't inihagis kitang parang dumi mula sa bundok ng Dios; at ipinahamak kita, Oh tumatakip na kerubin, mula sa gitna ng mga batong mahalaga.

17. Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan: aking inihagis ka sa lupa; aking inilagay ka sa harap ng mga hari, upang kanilang masdan ka.

18. Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuario: kaya't ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo; sinupok ka, at pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat na nanganonood sa iyo.

19. Silang lahat na nangakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, mangatitigilan dahil sa iyo: ikaw ay naging kakilakilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.

20. At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21. Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha sa Sidon, at manghula ka laban doon,

22. At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Sidon; at ako'y luluwalhati sa gitna mo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y naglapat ng kahatulan sa kaniya, at aariing banal sa kaniya.

23. Sapagka't ako'y magpaparating sa kaniya ng salot at dugo sa kaniyang mga lansangan; at ang mga may sugat ay mangabubuwal sa gitna niya, sa pamamagitan ng tabak, na nakaumang sa kaniya sa lahat ng dako; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 28