2. At ikaw, anak ng tao, panaghuyan mo ang Tiro;
3. At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako'y sakdal sa kagandahan.
4. Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.
5. Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa Senir: sila'y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.
6. Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa mga pulo ng Chittim.
7. Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo'y isang watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng Elisah ang iyong kulandong.
8. Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.
9. Ang mga matanda sa Gebal at ang mga pantas niyao'y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.
10. Ang Persia, ang Lud, at ang Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.
11. Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.
12. Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.
13. Ang Javan, ang Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.
14. Ang sangbahayan ni Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.
15. Ang mga tao sa Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.
16. Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.
17. Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng balsamo.
18. Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.
19. Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.
20. Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.
21. Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito'y naging mga mangangalakal mo sila.