9. Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto.
10. Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang.
11. At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon.
12. Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
13. Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.
14. Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.
15. Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;
16. Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.
17. Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.
18. At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan:
19. Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa;
20. At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.
21. Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang.